presenting the logo of the 49th university of the philippines national writers workshop. it is designed by vlad gonzales. below the logo is vlad's explanation of his design.
Ang disenyo ng logo’y isang paglilimi-demonstrasyon tungkol sa estado ng pagsusulat, kasabay ng maraming impluwensyang multimedia, sa panahon ng mga birtuwal na espasyo at pamamagitan ng mga bagong anyo ng pamamahayag.
Sa panimulang bersyon, mas makulay ang disenyo—isang maaliwalas na videogame-type world kung saan masayang lumilipad ang micro-blogging birds, pinadadaanan ng computer clouds ang mga birtuwal na pakpak. Sa isang kahong nagpapaalala ng isang sikat na 8-bit game, nakasilip ang mukha ni Balagtas, hango mula sa imaheng laging ginagamit para sa mga postcard at poster na nabibili sa mga bookstore, mabenta tuwing Agosto, tuwing may proyekto o assignment na kaugnay ng Linggo ng Wika.
Sa proseso ng pagpapakinis, itinabi ang tingkad ng unang disenyo para sa mas madilim na pagkapula. Binuo ang isang birtuwal na siyudad, batbat ng mga birtuwal na dumi. Nasa background ang mga birtuwal na edipisyo—ito na kaya ang pamalit sa mga itsrukturang ginagalawan natin sa pisikal na mundo? Hanggang sa anong anyo ng pisikalidad dapat tumugon ang sining ng pagsusulat? Sa mundong mas nagiging lantad ang mekanismo ng artipisyalidad, sa panahong nagkakaroon ng maraming mekanismo para sa pagpapabilis at pagpapalawak ng memorya, anong anyo ng pagkatha ang dapat mamayani?
Sa gitna ng maraming tanong, sa gitna ng maraming mga senyal ng pag-unlad, lumilitaw ang cliché na imahen ni Balagtas. Cliché, pero sa maraming pagkakataon ay hindi kayang isatitik ng naghahayag kung bakit naging cliché. Reproduksyon na rin ang mga dominanteng nosyon ng pagkabagot, pagiging luma, pagiging gasgas. Sumisirit ang pulang laser beams mula sa mata ng “lumang” imahen, hindi nakaiwas ang nagulantang na “bago.” May pakiramdam na katulad ng panonood sa pelikulang “Darna and the Giants,” o kaya’y sa “Godzilla” o “Ultraman.” Isang posibleng babala: narito ang mga manunulat ng kasalukuyang henerasyon, narito para durugin ang mga tatak na nanghihiwalay imbes na mambigkis, narito para itahi ang mailap na pag-alala, narito para bigyan ng saysay ang pagkatha sa panahon ng pamamagitan ng bagong media at teknolohiya.